Regine Caluag, Gia Rocero, Dennis Gonzalez & Jose Jugo
SEPTEMBER 30, 2023
Ang tagapanood at sangayon ng mga huling aktibidad ng Buwan ng Wika.
(File photo)
Ipinagdiwang ng Temple Hill International School ang Buwan ng Wika noong ika-14 ng Agosto hanggang ika-08 ng Setyembre sa pamamagitan ng pagtuklas sa mga iba’t ibang laro, pagkain, at kultura sa Pilipinas at sa paraan din ng pagpapamalas ng talento sa pag-awit, pagsayaw at pagtugtog ng iba’t ibang instrumento.
Ang tema ngayong taon ay “Filipino at ang mga Katutubong Wika: Wika ng Kapayapaan, Seguridad, at Ingklusibong Pagpapatupad ng Katarungang Panlipunan”. Ito ay tungkol sa wikang Filipino at kung paano nagsisilbing simbolo ang iba’t-ibang katutubong diyalekto at kaayusan sa komunidad.
Ang pagsasaayos ng bulletin board at mga pinintahang bilao at pamaypay ng mga mag-aaral ang naging dekorasyon upang maging disenyo ng paaralan. “Mahalagang magdiriwang ng Buwan ng Wika dahil nag se-celebrate siya ng Pilipinas at importante ito dahil ngayon, may controversial topic sa gobyerno na baka mag-cancel sila ng Filipino class para sa high school and we’re slowly losing our culture, so it’s important to go back to our roots and i-celebrate iyon,” sabi ni Belle Boom, isang estudyante mula sa ika-9 na baitang.
Nagsimula sa isang fashion show ang pagdiriwang. Ang lahat ng mga mag-aaral ay nagpakita ng kanilang mga katutubong kasuotan: Barong Tagalog para sa mga kalalakihan at Filipiniana para sa kababaihan. Ang paglalaro ng Pinoy Henyo, Patintero at Sipa ay kasunod nito.
Naglalaro ng Pinoy Henyo ang mga estudyante sa unang araw ng Buwan ng Wika.
Mula kay Monica Ramos.
Ipinagpatuloy ang iba pang mga laro sa Telstar Farm kung saan ang mga mag-aaral ay nakapaglaro ng Ice Ice Water at Pepsi-seven Up. Natuto ring maglaro ng Syato, isang laro na ang layunin ay patamaan o paluin ang stick ng mas malayo para sa mas maraming puntos. Hinati sa apat na grupo ang mga estudyante, at nanalo ang ikatlong pangkat na nakakuha ng 26 na puntos.
Sa pagwawakas ng selebrasyon, nagkaroon ng programa na nilahukan ng mga mag-aaral mula sa elementarya at hayskul. Kabilang sa mga itinanghal ay ang pag-awit, pagsayaw, pagtugtog ng iba’t ibang instrumento, at pagbigkas ng mga tula.
Nagtatanghal ng Lupang Hinirang ang Mallet Art Kids Ensemble (M.A.K.E.) sa huling araw ng Buwan ng Wika.
(File photo)
Ayon kina Rafa, Belle, at Maffine, naging masaya sila sa pag-ensayo at pagtatanghal ng kanilang mga inihandang bilang tulad ng sabayang bigkas na pinamagatang “Sa Aking Mga Kabata” ni Dr. Jose Rizal, at ang sayaw nina Rafa at Belle kasama ang mga mag-aaral mula sa baitang walo at siyam, sa saliw ng awiting “Dahil Sa’yo” ni Iñigo Pascual.
Ang ikalawang bahagi ng selebrasyon ay ang salo-salo. Nagdala ang mga mag-aaral ng mga iba’t ibang pagkaing Pilipino batay sa kanilang baitang, tulad ng inumin para sa ika-8 na baitang at ulam na dala ng ika-11 na baitang.
Ayon kay Teacher Jojo, “Isang magandang halimbawa (rin) ito para ipakita ang pagmamahal natin sa ating bansa, sa ating kultura, at sa pagiging Pilipino.”